Nasusunog ang isang dalawang palapag na warehouse na naglalaman ng mga pintura at iba pang madaling masunog na materyales sa Magsaysay, Alicia, Isabela nitong Lunes, Setyembre 28.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa may-ari ng warehouse, sinabi nitong bandang alas-1:30 ng hapon nang mapansin niya ang maitim na usok na nagmumula sa kanilang gusali.
Nang makumpirmang may sunog, agad silang tumawag sa Bureau of Fire Protection o BFP bandang alas-1:40 ng hapon.
Bukod sa mga pintura, naglalaman din umano ang warehouse ng mga solar lights, butane at iba pang flammable materials.
Mabilis na kumalat ang apoy kaya kinailangan ang augmentation ng mga bumbero mula sa mga kalapit na bayan at lungsod.
Pitong fire truck na ang rumesponde sa insidente, kabilang ang tig-dalawa mula sa BFP Angadanan, BFP Alicia at BFP Cauayan City, habang isa naman mula sa BFP Echague.
Sa ngayon, patuloy pa ring inaapula ng mga bumbero ang sunog.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog at ang lawak ng pinsala sa naturang warehouse.











