--Ads--

Dalawa ang nasawi habang isa pa ang nananatiling nawawala matapos manalasa ang matinding flash flood sa Grand Canyon National Park sa Arizona, Estados Unidos.

Kinilala ng National Park Service (NPS) ang dalawang nasawi na sina John Giusti, 46, at Brent Rosenkranz, 42, kapwa residente ng Granbury, Texas.

Magkakasamaa ng mga ito sa isang hiking group na may tatlong miyembro, kasama si Timothy Smith, 53, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual sa Estados Unidos, sinabi niyang 30 katao ang una nang naiulat na nawawala ngunit sunod-sunod na natukoy ng mga ranger ang kanilang kinaroroonan matapos ang ilang araw na search and rescue operations.

--Ads--

Ayon kay Pascual, rumesponde ang mga awtoridad matapos rumagasa ang tubig-baha noong Sabado ng hapon, na sumira sa mga footbridge at nagdala ng malalaking bato pababa sa ilog.

Aniya, kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ang Phantom Ranch, kung saan isinagawa ang airlift sa dose-dosenang katao. Umabot sa 45 katao ang unang inilikas sa pamamagitan ng helicopter noong Sabado, habang 37 iba pa ang nailikas pagsapit ng Linggo ng hapon.

Samantala, nakatakdang magpadala ang mga awtoridad ng mga search team upang hanapin ang huling nawawalang indibidwal sa lugar sa pagitan ng Phantom Ranch at Cottonwood Manzanita.

Nauna nang nakumpirma ang pagkakatagpo sa katawan ni Giusti, 46, malapit sa Crystal Rapids sa kahabaan ng Colorado River. Kinumpirma naman ng NPS ang pagkamatay ni Rosenkranz makalipas ang ilang araw.

Dagdag pa niya, halos lahat ng footbridge sa Bright Angel Creek ay winasak ng baha. Dahil dito, isinara ang Phantom Ranch, Bright Angel Campground, North Kaibab Trail patungong Phantom Ranch, Black Bridge, Silver Bridge at ilang bahagi ng Colorado River.

Tinatayang 40 porsyento rin ng Transcanyon Waterline, na nagsusuplay ng tubig sa mga bisita at humigit-kumulang 2,500 residente, ang napinsala o tuluyang nawasak dahil sa pagbaha.

Ayon sa mga eksperto, dulot ng monsoon showers ang mga pag-ulan sa Grand Canyon at iba pang bahagi ng southwestern United States, kung saan maaaring mabilis na bumaha dahil karaniwang tuyong-tuyo ang lupa sa lugar.