Inanunsyo ng Philippine Embassy in Abu Dhabi na kabilang ang dalawang Pilipino sa 25 katao na naaresto sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa pagpo-post ng mga larawan at video sa social media kaugnay sa kamakailang mga airstrikes at air defense interceptions sa Dubai.
Ayon sa embahada, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng UAE at isinasagawa ang close monitoring upang makakuha ng opisyal na kumpirmasyon hinggil sa mga insidenteng ito.
Ipinahayag din ng embahada at ng kanilang Consulate General ang buong pagrespeto sa soberaniya ng UAE at sa karapatan nito na ipatupad ang mga umiiral na batas para sa national security, cybersecurity, at pagpapanatili ng public order.
Dahil dito, pinalalahanan ng embahada ang mga Pilipino sa UAE na maging responsable sa paggamit ng social media at messaging platforms. Pinayuhan silang iwasan ang pagkuha, pag-post, o pagkomento sa mga sensitibo at hindi beripikadong impormasyon na maaaring lumabag sa lokal na batas.
Bukod dito, hinihikayat ng embahada ang mga kababayan na mas umasa sa opisyal na pahayag ng UAE authorities upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon o spekulasyon.
Tiniyak din ng embahada at ng Consulate General na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga otoridad sa UAE upang masiguro ang kaligtasan at karapatan ng mga naarestong Pilipino.











