--Ads--

Idineklara ng World Health Organization (WHO) nitong Linggo ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC) at Uganda bilang “public health emergency of international concern” dahil sa patuloy na pagkalat ng sakit.

Ayon sa WHO, ang outbreak na dulot ng Bundibugyo virus ay hindi itinuturing na pandemya, ngunit nananatiling seryosong banta sa kalusugan ng publiko.

Batay sa ulat ng UN health agency, naitala ang 80 pinaghihinalaang nasawi, walong kumpirmadong kaso sa laboratoryo, at 246 suspected cases sa Ituri province sa DRC. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Bunia, Rwampara, at Mongbwalu.

Ayon naman sa health ministry ng DRC, 80 na ang namatay sa kasalukuyang outbreak sa silangang bahagi ng bansa.

--Ads--

Sa Uganda, naitala ang dalawang kumpirmadong kaso sa kabisera na Kampala, kabilang ang isang nasawi. Ayon sa WHO, ang mga pasyente ay may kaugnayan sa paglalakbay mula sa DRC.

May naitalang isa pang kumpirmadong kaso sa Kinshasa, kabisera ng DRC, na galing din sa Ituri region.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang pinalalakas ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng Ebola sa rehiyon.