Nagbigay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng tig-₱200,000 na financial assistance sa bawat isa sa 820 barangay sa lalawigan ng Cagayan sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang”, nitong Mayo 15.
Ayon sa pamahalaan, bahagi ito ng Socio-Civic Projects Fund ng Office of the President na layong suportahan ang mga grassroots development at programang pang-edukasyon sa mga komunidad sa buong bansa.
Umabot sa ₱15.4 milyon ang kabuuang naipamahaging pondo sa mga barangay sa Cagayan, habang nakatanggap naman ang Tuguegarao City ng karagdagang ₱9.8 milyon na ayuda.
Batay sa alituntunin ng programa, kalahati o ₱100,000 ng bawat pondo ay ilalaan para sa scholarship ng mga lokal na college students, habang ang natitirang ₱100,000 ay gagamitin sa mga proyekto ng barangay tulad ng pagbili ng kagamitan, pag-upgrade ng opisina, street lighting, at mga hakbang para sa disaster risk reduction and management.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maayos na paggamit ng tulong ng pamahalaan upang direktang makinabang ang mga komunidad at estudyanteng nangangailangan.
Tiniyak din ng Pangulo na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa mga mahihirap na sektor at komunidad sa bansa.
Hinimok din ng Pangulo ang mga opisyal ng barangay na tiyakin ang maayos na implementasyon ng programa, dahil maaari umanong magresulta ito sa mas malaking alokasyon sa mga susunod na budget.
Samantala, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ng tig-10 kilo ng bigas sa humigit-kumulang 3,000 indibidwal mula sa mga vulnerable sector sa lalawigan.
Nagpasalamat si Iguig Mayor Judith L. Trinidad sa tulong na ibinigay sa kanilang mga barangay, na aniya ay malaking suporta sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng mga residente.
Sa Ballesteros, sinabi ni Barangay San Juan Chairperson Rosie Tolentino na gagamitin nila ang bahagi ng pondo para sa pagbili ng mga tent at upuan para sa mga aktibidad ng komunidad, habang pakikinabangan naman ng limang iskolar ang alokasyon para sa edukasyon.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang ilang benepisyaryo, kabilang si senior citizen Enrique B. Ferrer ng Tuguegarao City, na nagsabing malaking tulong ang natanggap nilang bigas sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon naman kay Cagayan Governor Edgar Aglipay, ipinapakita ng programa ang patuloy na pagtutok ng administrasyon sa grassroots development at direktang tulong sa mga komunidad at vulnerable sectors.
Dumalo rin sa pamamahagi ng ayuda si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kasama ang iba pang lokal na opisyal.











