Nagbigay ng babala ang Department of Agriculture (DA) sa mga rice retailers, trader, at importer na lalabag sa itinakdang price ceiling ng pamahalaan sa imported na bigas na P50 kada kilo. Ayon sa ahensya, maaari silang maharap sa mabibigat na parusa kabilang ang milyon-milyong multa, pagkakakulong, at posibleng pagsasara ng negosyo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang ipinatutupad na price ceiling ay mas mahigpit kumpara sa dating maximum suggested retail price na nakabatay lamang sa kusang pagsunod ng mga negosyante. Sa ilalim ng bagong sistema, may kapangyarihan na ang DA na magpataw ng parusa sa mga lalabag.
Ipinatupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang price cap na P50 per kilo sa imported na bigas sa buong bansa sa loob ng 30 araw, maliban na lamang kung ito ay mapalawig o bawiin batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC).
Batay sa Price Act (Republic Act No. 7581), ang mga lalabag sa itinakdang price ceiling ay maaaring makulong ng isa hanggang sampung taon at pagmumultahin ng P5,000 hanggang P1 milyon, o pareho. Maaari rin silang patawan ng administratibong parusa tulad ng pansamantala o permanenteng pagsasara ng negosyo, pagkumpiska ng mga produkto, at suspensyon o pagbawi ng mga lisensya at permit.
Ayon sa DA, maaari ring mapatawan ng personal na pananagutan ang mga opisyal o empleyado ng kumpanyang lalabag sa batas.
Inihayag ng ahensya na paiigtingin ng kanilang monitoring teams ang inspeksyon sa mga pampublikong palengke, supermarket, at rice retail outlets sa buong bansa sa loob ng 30 araw na pagpapatupad ng price ceiling.
Nilinaw rin ng DA na maaaring baguhin, palawigin, o alisin ang price ceiling matapos ang pagsusuri, habang layunin nitong protektahan ang mga mamimili laban sa labis na pagtaas ng presyo at profiteering.










