--Ads--

Arestado ang dalawang itinuturing na street-level individual matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela nitong Sabado ng hapon, Oktubre 3, 2026.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ben,” 28-anyos, at alyas “Rico,” 57-anyos na magsasaka, kapwa residente ng Gamu, Isabela.

Isinagawa ang operasyon ng Ilagan Component City Police Station at City Drug Enforcement Unit, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 2.

Ayon sa ulat, nakabili ang poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek kapalit ng ₱2,500.

--Ads--

Nang magpakilala ang mga awtoridad, tinangka umanong tumakas ni alyas “Rico” sakay ng isang Starex patungong Gamu.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis katuwang ang mga nakatalaga sa boundary checkpoint, dahilan upang mabilis ding maaresto ang suspek.

Bukod sa hinihinalang shabu at buy-bust money, nasamsam din ang ginamit na sasakyan.

Isinagawa ang inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa harapan ng mga suspek, kasama ang mga kinatawan ng National Prosecution Service at opisyal ng barangay.

Kasalukuyang nakadetine sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.