--Ads--

Inihayag ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Miyerkules na magsasampa sila ng reklamo laban kay Senador Robin Padilla at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa CIDG, ang isasampang reklamo ay paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o obstruction of justice at isusumite ito sa National Prosecution Service ng Department of Justice.

Sa kanilang pahayag, iginiit ng CIDG na ang pagbiyahe kay Dela Rosa ay hindi simpleng pagsabay lamang sa sasakyan kundi isang planado at koordinadong operasyon na layong iwasan ang pagkatunton sa kanya matapos umanong makalabas sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14, 2026.

Dagdag pa ng ahensya, lumabas din sa imbestigasyon na may isa pang sasakyan na sumunod sa sasakyan ni Padilla na nagsilbing escort at backup vehicle sa naturang operasyon.

--Ads--

Binigyang-diin ng CIDG na ang hakbang na ito ay alinsunod sa kanilang mandato na ipatupad ang batas nang patas at walang pinapaboran.

Ayon pa sa CIDG, ang sinumang tutulong sa pag-iwas sa pag-aresto o magtatago ng isang akusado ay nakasasagabal sa hustisya at nakapipinsala sa kaayusan ng lipunan.

Muling iginiit ng CIDG na anumang gawain ng obstruction of justice ay may kaakibat na kaukulang kaso at pananagutan sa batas.