--Ads--

Suspendido ang klase ng mga mag-aaral sa Basco Central School ngayong araw matapos tupukin ng apoy ang naturang paaralan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niya na alas-12 ng tanghali kahapon nang maiparating sa hanay ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nangyaring sunog.

Bagama’t agad na rumesponde ang mga bumbero ay medyo malaki na ang sunog nang makarating sila sa lugar at kumalat na rin ito sa mga katabi pang mga gusali.

Naging pahirapan ang pag-apula sa sunog dahil sa malakas na hangin na naranasan sa Batanes kahapon dulot ng Northeast Monsoon kaya kinailangan na rin ng tulong mula sa mga kalapit na fire stations at volunteers mula sa Isla ng Batan.

--Ads--

Alas-3 bente otso na ng hapon kahapon nang maideklarang fire out ang sunog.

Wala namang nasaktan sa insidente maliban na lamang sa isang volunteers na kasapi ng Philippine Coast Guard na nakaapak ng pako.

Umabot sa dalawampung silid ang natupok ng apoy sa Basco Central School na kinabibilangan ng 10 classrooms, Principal’s Office, Administrative Office at Library.

Mayroon pa naman umanong ilang gusali ang naisalba gaya na lamang ng Utility Building ngunit susuriin pa nila ito kung pwede pa itong gamitin pansamantala ng mga mag-aaral.

Bagama’t suspendido ang klase ngayong araw sa Basco Central School ay maaari naman itong mag-shift sa asynchronous classes bukas habang pinag-uusapan pa ng pamunuan kung ano ang susunod nilang hakbang upang matiyak na tuloy pa rin ang pagkatuto ng mga bata.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ay pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.