Inihayag ng Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan tinatayang aabot sa ₱13 hanggang ₱15 kada litro ang bawas sa diesel at ₱1 hanggang ₱2 naman sa gasolina.
Ayon kay DOE Undersecretary Alessandro Sales, bumaba ang Mean of Platts Singapore (MOPS), na isang indikasyon ng posibleng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Umaasa ang DOE na kung magpapatuloy ang pag-stabilize ng global oil prices, maaaring maranasan pa ng bansa ang mas malaking rollback sa presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Samantala, patuloy na pinag-aaralan ng Marcos administration ang posibilidad ng pagsuspinde ng excise tax sa diesel at gasolina, kasunod ng naunang hakbang na pagtanggal ng buwis sa LPG at kerosene.
Ayon naman sa Department of Finance (DOF), hinihintay pa nila ang pormal na executive order bago tuluyang maipatupad ang mga implementing rules kaugnay nito.











