--Ads--

Aabot sa 35,444 na magsasaka ng mais sa lalawigan ng Isabela ang makatatanggap ng tig-P10,125 na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 2, na may kabuuang pondong humigit-kumulang P358.8 milyon sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nito na ang naturang pondo ay mula sa Quick Response Fund ng ahensya upang matulungan ang mga corn farmers na apektado ng krisis sa agrikultura.

Sakop ng payout ang 30 munisipalidad sa Isabela kabilang ang Angadanan, Benito Soliven, Aurora, Burgos, Cabatuan, Cabagan, Cauayan City, Cordon , Echague, Gamu, City of Ilagan, Jones, Luna, Delfin Albano, Naguilian, Quezon, Quirino, Ramon, Reina Mercedes, Roxas, San Agustin, San Guillermo, San Isidro, San Manuel, San Mariano, San Pablo, Santiago City, Sta. Maria, Sto. Tomas at Tumauini.

Ayon pa kay Alan, ang listahan ng mga benepisyaryo ay dumaan sa beripikasyon ng Municipal Agriculture Office (MAO) at Local Government Units (LGU) upang matiyak na ang mga makatatanggap ay tunay na apektadong magsasaka.

--Ads--

Dagdag niya, malaking tulong ang naturang ayuda upang maibsan ang pang-araw-araw na gastusin ng mga magsasaka at magsilbing puhunan sa susunod na taniman.

Nilinaw din ng DSWD na hiwalay ang ibinibigay nilang tulong sa assistance ng Department of Agriculture, dahil ang ECT ay direktang cash assistance para sa agarang pangangailangan ng mga benepisyaryo.