Tatlong opisyal ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang ipapatawag ng House prosecution team bilang susunod na mga witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang dito sina Colonel Manaros Boransing II, Colonel Magtangol Panopio at retired Major General Adonis Bajao, na sinasabing may kaugnayan sa mga sertipikasyong ginamit sa pag-liquidate ng P15 milyong confidential fund ng Department of Education noong 2023.
Ayon kay House prosecutor Joel Chua, layunin ng kanilang testimonya na maipakita ang pattern ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Hindi naman kasama sa listahan si Colonel Raymund Lachica, na ilang beses binanggit ng hostile witness na si Gina Acosta sa kaniyang testimonya.
Ipinaliwanag ng prosecution na hindi nila basta-basta ipapatawag si Lachica bilang hostile witness hangga’t hindi ito kinakailangan upang makamit ang kanilang evidentiary targets.
Dagdag pa ni prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa, nasa listahan din ng defense witnesses si Lachica kaya maaari siyang ipatawag ng panig ni Vice President Duterte kung kinakailangan.
Samantala, napilitan ang prosecution na maghanap ng alternatibong witness matapos magsumite ng medical certificate si dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda at hindi ito makadalo sa pagdinig ngayong linggo.











