Aabot sa 231 pamilya o 735 indibidwal sa Batanes at Cagayan ang naapektuhan ng Bagyong Kiyapo, subalit walang naitalang nasawi o nasirang kabahayan dahil sa maagang paglikas ng mga residenteng nasa mababa at mapanganib na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Region 2 Regional Director Lucia Alan, sinabi nitong batay sa kanilang monitoring hanggang alas-12:00 ng madaling araw, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 24 na barangay sa dalawang lalawigan.
Aniya, 32 pamilya ang naitala sa Batanes habang 199 pamilya o 703 katao naman ang naapektuhan sa Cagayan, kabilang ang mga bayan ng Camalaniugan, Aparri, Santa Ana, Santa Teresita, Ballesteros at Solana.
Sinabi ni Alan na 61 pamilya ang pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center, subalit sa kasalukuyan ay nakauwi na rin ang karamihan sa kanilang mga tahanan matapos isara ang mga evacuation center.
Wala rin umanong naitalang nasirang bahay sa rehiyon at pawang pre-emptive evacuation lamang ang isinagawa ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha.
Dagdag pa ng opisyal, nakapagpaabot na ang DSWD ng Family Food Packs sa Solana at Santa Ana habang nagpapatuloy ang assessment at monitoring sa mga apektadong lugar.
Nilinaw rin ni Alan na ang pamamahagi ng relief assistance ay nakabatay sa assessment ng mga lokal na pamahalaan at sa aktuwal na pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan.
Nagpasalamat naman ang opisyal sa mga lokal na pamahalaan sa maagang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation na naging dahilan upang walang naitalang nasawi at walang naitalang nasirang kabahayan sa kasagsagan ng bagyo.











