Dalawampu’t pitong Chinese vessels ang namonitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilang bahagi ng West Philippine Sea mula Setyembre 1 hanggang 7.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namonitor ang mga barko ng Chinese Navy o People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG).
Sa Ayungin Shoal, isang PLAN vessel at apat na CCG vessels ang namonitor.
Apat na PLAN at 10 CCG vessels naman ang nakita sa Bajo de Masinloc, habang tatlong PLAN at tatlong CCG vessels ang namonitor sa Escoda Shoal.
Dalawa pang China Coast Guard vessels ang namonitor sa bahagi ng Pag-asa Islands.
Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, kabilang ang mga bahaging inaangkin ng Pilipinas.











