Arestado ang isang 28-anyos na lalaki matapos ikasa ng mga awtoridad ang isang anti-illegal drug buy-bust operation sa Garzota Street, Purok 6, Barangay Buenavista, Santiago City.
Ang suspek ay walang asawa, driver at residente ng Purok 1, Barangay Sinili, Santiago City.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Police Station 1 bilang lead unit, katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at Santiago City Police Office (SCPO).
Nasamsam sa operasyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 1.2 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱7,740 at nagsilbing buy-bust item.
Narekober din mula sa operasyon ang isang genuine na ₱500 bill, walong ₱500 na boodle money at isang kulay asul na Redmi Android cellphone.
Isinagawa ang pagmamarka at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga inimbitahang saksi, kabilang ang kinatawan ng National Prosecution Service (NPS) at isang barangay kagawad ng Barangay Buenavista.
kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kasong may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











