Naitala ang fish kill sa ilang fish cage sa Magat Dam na iniuugnay sa matinding init ng panahon, mababang antas ng tubig, at kakulangan ng dissolved oxygen na mahalaga sa buhay ng mga isda. Ayon sa mga otoridad, posibleng lumawak pa ang pinsala kung magpapatuloy ang kasalukuyang kondisyon ng dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niyang malinaw na nakikita ang epekto ng matinding heat index at mababang water level ng Magat Dam sa mga naitalang fish kill nitong Huwebes.
Ayon kay Dimoloy, batay sa mga pag-aaral ay mas mababa na sa normal ang dissolved oxygen sa tubig ng Magat Dam. Kapag nagsimula ang fish kill, nagkakaroon ng polusyon sa katubigan na maaaring magdulot ng domino effect at makaapekto sa iba pang fish cage sa lugar.
Sinabi niya na ang patuloy na kakulangan ng inflow ng tubig at matinding init ng panahon ang pangunahing dahilan ng paglala ng sitwasyon. Dahil dito, limitado ang maaaring gawin upang agad na masolusyunan ang problema sapagkat nakadepende ito sa pagtaas ng antas ng tubig at pagbabago ng kondisyon ng panahon.
Bilang pag-iingat, nauna nang naglabas na ng abiso ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga may-ari ng fish cage na magsagawa ng emergency o advance harvest upang mabawasan ang kanilang posibleng pagkalugi. Nagde-deploy na rin ang BFAR ng mga refrigerated van para sa maayos na pag-iimbak ng mga aanihing isda.
Patuloy namang nagsasagawa ng monitoring at pagpapatrolya ang mga tauhan ng NIA-MARIIS sa katubigan ng Magat Dam upang agad na matukoy at maitala ang mga apektadong fish cage. Kasalukuyan din silang nagsasagawa ng inventory upang malaman ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan at halaga ng pinsalang dulot ng fish kill.
Tinatayang nasa humigit-kumulang 500 fish cage ang matatagpuan sa Magat Dam. Dahil sa patuloy na pagbaba ng water level at mababang dissolved oxygen sa tubig, muling pinayuhan ng mga otoridad ang mga fish cage operator na magsagawa ng maagang pag-aani upang maiwasan ang mas malaking pagkalugi sa mga susunod na araw.










