Nanawagan ang isang opisyal ng Bayan ng Benito Soliven para sa masusing imbestigasyon kaugnay ng naitalang fish kill sa Pinacanauan River na unang naitala noong Mayo 24 at muling naulit noong Mayo 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Bayan Member Roxan Lungan ng nasabing bayan, sinabi niyang unang nakatanggap ng ulat ang kanilang tanggapan mula sa isang kagawad ng Barangay Malunon Norte kaugnay sa mga lumulutang na patay na isda sa ilog.
Agad umano silang nagsagawa ng beripikasyon at personal na nagtungo sa lugar kung saan kanilang nakumpirma ang paglutang ng maraming patay na isda sa ilog.
Ayon kay SB Member Lungan, marami sa mga residente ang nagsipunta sa lugar upang tipunin at ilibing ang mga patay na isda upang hindi na ito mapakinabangan o makain pa ng iba.
Bagamat hindi direktang itinuturo ang anumang establisyimento bilang sanhi ng insidente, sinabi ni Lungan na matagal nang may mga napapansing pagbabago sa kondisyon ng ilog kabilang ang pagkakaroon ng mga bula, maitim at berdeng substansiya sa tubig, gayundin ang mabahong amoy na umano’y umaabot pa hanggang sa mga kalapit na komunidad.
Aniya, una pa lamang noong Oktubre ng nakaraang taon ay nagsumite na sila ng liham sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ipaabot ang kanilang mga obserbasyon at hilingin ang pagsasagawa ng kaukulang pagsusuri sa ilog.
Dahil sa pinakahuling insidente ng fish kill, agad namang nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Environment Management Bureau (EMB), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at DENR upang magsagawa ng water sampling at pagsusuri sa kalidad ng tubig.
Sinabi pa ng Konsehal na nakitaan mismo ng mga kinatawan ng naturang mga ahensya ang mga kakaibang substansiya at discoloration sa tubig habang nagsasagawa ng inspeksyon mula upstream hanggang sa mga apektadong bahagi ng ilog.
Ayon pa sa kanya, umabot sa tinatayang lima hanggang sampung kilometro ang saklaw ng mga bahaging naapektuhan ng insidente.
Patuloy namang hinihintay ng lokal na pamahalaan ang resulta ng mga isinagawang laboratory examination upang matukoy ang tunay na dahilan ng fish kill at kung may kaugnayan ito sa kalidad ng tubig sa naturang ilog.
Samantala, inihayag din ng opisyal na nakipag-ugnayan na sila sa pamahalaang bayan ng San Mariano at sa mga kaukulang komite upang mapalakas ang koordinasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagbigay na rin umano ng rekomendasyon ang EMB sa lokal na pamahalaan habang nakatakda namang maglabas ng Executive Order ang municipal government bilang bahagi ng mga hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Iginiit ni SB Member Lungan, na hindi masama ang pagpasok ng mga industriya at pamumuhunan sa kanilang lugar dahil nakatutulong ito sa pagbibigay ng trabaho sa mga residente, subalit mahalaga ring mapangalagaan ang kalikasan at matiyak na maayos ang pamamahala sa mga waste products upang hindi maisakripisyo ang kapaligiran at ang kapakanan ng mga susunod na henerasyon.











