--Ads--

Umabot na sa mahigit 170 fish cage operators ang naapektuhan ng naitalang fish kill sa bahagi ng Magat Dam sa mga bayan ng Ramon at Cordon, Isabela, ayon sa Provincial Fisheries Office.

Sa panayam kay Provincial Fisheries Officer Gerico Gibe, sinabi nitong batay sa kanilang inisyal na datos, tinatayang 174 hanggang 178 na aktibong fish cage operators at nasa 1,200 fish cage units ang naapektuhan ng insidente.

Unang nagsagawa ang kanilang tanggapan ng water quality assessment noong Hunyo 22 matapos makatanggap ng ulat ng pagkamatay ng mga isda sa ilang bahagi ng reservoir.

Lumitaw sa isinagawang pagsusuri na normal ang karamihan sa water quality parameters maliban sa dissolved oxygen o lebel ng oxygen sa tubig na bumaba sa critical level.

--Ads--

Aniya, mula sa mababang antas noong unang pagsusuri ay lalo pa itong bumaba hanggang umabot sa 0 hanggang 0.8 milligrams kada litro—antas na delikado na para sa pananatiling buhay ng mga isda.

Ipinaliwanag ng opisyal na pangunahing dahilan ng fish kill ay ang mababang lebel ng tubig sa Magat Dam na nagdulot ng limitadong sirkulasyon ng tubig at kakulangan ng oxygen sa reservoir.

Dahil dito, agad na pinayuhan ng BFAR ang mga operator na magsagawa ng emergency o force harvest upang maisalba ang maaari pang maibentang mga alagang isda.

Patuloy namang kinokolekta ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala habang hinihikayat ang mga fish cage operator na pansamantalang huwag munang mag-restock hanggang sa bumuti ang kondisyon ng tubig sa dam.