Mahigit P1 milyon umano ang halaga ng danyos na kailangang bayaran ng China matapos ang pagbangga ng Chinese vessel sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Coast Guard West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay Tarriela, nasa mahigit P1 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala batay sa BFAR.
Iginiit ni Tarriela na nangyari ang insidente sa loob ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas kung saan may sovereign rights ang bansa.
Sinabi rin niyang walang karapatan ang China na magpatupad ng kanilang batas sa loob ng Philippine EEZ.
Samantala, naglabas din umano ang China ng sariling video ng insidente, ngunit binigyang-diin ni Tarriela ang kahalagahan ng tamang anggulo at perspektibo sa pagsusuri ng naturang footage.
Ayon pa kay Tarriela, ginagamit na ngayon ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines ang terminong ICAD o illegal, coercive, aggressive and deceptive action sa pagtukoy sa mga aksiyon ng China.











