Ipinaliwanag ng isang law professor ang pagkakaiba ng leading at misleading questions, gayundin ang saklaw ng sub judice rule kaugnay ng mga pahayag sa media at social media habang dinidinig ang isang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi niyang ang leading question ay tanong na naglalaman na mismo ng ipinapahiwatig na sagot na nais makuha mula sa testigo. Karaniwan itong hindi pinapayagan sa direct at redirect examination dahil lumalabas na tinuturuan ng abogado ang kanyang testigo kung ano ang dapat nitong isagot.
Samantala, sinabi ni Atty. Arreola na iba ang misleading question dahil naglalaman ito ng impormasyon o pahayag na hindi naman sinabi ng testigo at ipinapalagay na totoo ang isang bagay na walang batayan sa kanyang naunang testimonya.
Aniya, hindi ito pinapayagan sa anumang uri ng examination.
Gayunman, may mga pagkakataong pinapayagan ng korte ang leading questions, partikular sa cross-examination, o kapag hostile witness ang tinatanong.
Maaari rin itong payagan sa mga testigong nangangailangan ng espesyal na konsiderasyon, gaya ng mga bata o may limitasyon sa pag-unawa, depende sa sitwasyon at pagpapasya ng hukuman.
Tungkol naman sa mga pahayag sa social media kaugnay ng isang kasong dinidinig, sinabi ni Atty. Arreola na dapat maging maingat ang mga partido at kanilang mga abogado upang maiwasan ang trial by publicity. Aniya, maaaring magbigay ng paglilinaw sa mga konsepto sa batas, ngunit mas mabuting iwasang talakayin sa publiko ang mismong merito ng kasong kasalukuyang dinidinig.
Ipinaliwanag din niya na saklaw ng sub judice rule ang mga usaping patuloy pang dinidinig ng korte, partikular ang mga pahayag na maaaring makaapekto sa proseso o makaimpluwensya sa publiko. Gayunman, ang pagtukoy kung may paglabag dito ay nakadepende pa rin sa korte at sa partikular na sitwasyon.
Aniya, bagama’t maaaring magkaroon ng epekto ang sub judice rule sa iba pang taong nagsasalita tungkol sa isang kaso, mas partikular itong mahalaga sa mga abogado at partidong direktang sangkot sa paglilitis upang mapanatili ang integridad at pagiging patas ng proseso ng korte.











