--Ads--

Nilinaw ng Isabela I Electric Cooperative, Inc. (ISELCO 1) ang kumakalat na impormasyon sa social media kaugnay ng umano’y paglobo ng electric bill ng ilang consumers dahil umano sa mga dagdag na charges.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Mark Bernabe, head ng Billing Section ng ISELCO 1, wala umanong naidagdag na panibagong singil sa kasalukuyang billing ng mga consumer maliban lamang sa Lifeline Charges na bahagi ng itinakdang polisiya para sa mga kwalipikadong low-income consumers.

Paliwanag ni Engr. Bernabe, maraming netizens ang nagbigay ng maling interpretasyon sa breakdown ng electric bill matapos mapansin ang ilang charges na matagal nang bahagi ng kabuuang singil sa kuryente. Aniya, ang mga ito ay hindi bagong ipinataw kundi regular na nakapaloob na sa billing system ng electric cooperative.

Dagdag pa niya, layunin lamang ng ISELCO 1 na maging malinaw at transparent sa bawat consumer hinggil sa kanilang mga binabayarang charges upang maiwasan ang pagkalito at pagkalat ng maling impormasyon sa social media.

--Ads--

Hinimok din ni Engr. Bernabe ang mga consumer na huwag idaan sa social media ang kanilang mga concern o reklamo kaugnay sa billing dahil mas mabilis umano itong maresolba kung direktang ipapaabot sa tanggapan ng ISELCO 1 o sa kanilang customer service hotline. Sa pamamagitan nito ay agad na maipapaliwanag at mabibigyan ng kaukulang aksyon ang anumang concern ng mga member-consumer.

Samantala, tiniyak naman ng ISELCO 1 na patuloy nilang imo-monitor ang concerns ng kanilang mga consumers upang mapanatili ang maayos at malinaw na serbisyo sa lalawigan.