Ipinaliwanag ng isang doktor ang sakit na Hantavirus na nagdudulot ngayon ng pangamba sa ilang mga bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, isang Internal Medicine, sinabi nito na ang naturang virus ay nag-originate sa Hanta river sa Korea noong kasagsagan ng Korean War.
Noong panahong iyon ay maraming sundalo ang tinamaan ng sakit pangunahin na ang mga nasa malapit o in-contact sa naturang ilog na may mga wild rodens na pinaniniwalaang carrier ng naturang virus.
Nagkakaroon umano ng infectious process sa loob ng wild rodens at ang kanilang ihi o dumi ang pwedeng makahawa sa ilang mga hayop o tao. Matapos ang isa hanggang anim o walong linggo, dito na mararamdaman ang sintomas ng sakit na kapareho sa flu-like symptoms gaya ng lagnat at respiratory symptoms.
Ang mga tao ay nahahawa sa virus sa pamamagitan ng pagkain ng mga hayop na infected ng sakit. Pwede rin itong maihawa sa pamamagitan ng Human-to-human infection ang isang tao na carrier ng virus.
Ang pinakamalalang sintomas naman ng sakit o sintomas na maaaring maibigay ng Hantavirus ay ang Hemorrhagic Fever with Renal Syndrome kung saan umiihi ng dugo ang infected individual dahil sa pamamaga ng kidney na mas mataas ang mortality rate.
Ayon kay Dr. Lazaro, wala pang recorded treatment para sa Hantavirus at tanging supportive lamang ang isinasagawa depende sa sintomas na mayroon ang isang indibidwal.
Gayunman, maaari pa rin itong maiwasan sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran upang hindi mapamugaran ng mga insekto o hayop pangunahin na ang wild rodens na pangunahing carrier ng Hantavirus.










