Inihayag ng militar ng Iran nitong Linggo ang pag-aalok ng pabuya para sa sinumang Iranian na makakahuli o makakapatay ng mga sundalong Amerikano, sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at armadong tunggalian sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Batay sa ulat ng state news agency na IRNA, sinabi ni Iranian Army Chief Amir Hatami na ang hakbang ay isinagawa matapos umanong makatanggap ang militar ng maraming kahilingan mula sa mga mamamayang nais makibahagi sa kampanya laban sa mga pwersang Amerikano.
Ayon kay Hatami, ang sinumang makakahuli o makakapatay at maghahatid ng isang sundalong Amerikano sa mga awtoridad ng Iran ay tatanggap ng pabuya na katumbas ng $30,000 o limang bilyong toman. Dagdag pa niya, doble umano ang matatanggap na gantimpala ng mga kababaihang magsasagawa ng naturang aksyon.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Hatami kung saan o kailan inaasahang maisasagawa ang naturang operasyon.
Muli rin siyang nanawagan sa Estados Unidos na umalis sa rehiyon ng Middle East at iginiit na wala na umanong pahintulot ang mga pwersang Amerikano na pumasok sa Persian Gulf, Gulf of Oman at Strait of Hormuz.
Samantala, walang kumpirmadong deployment ng ground forces ng Estados Unidos sa loob ng Iran sa kasalukuyang digmaan, maliban sa isang rescue mission noong Abril na isinagawa upang iligtas ang isang Amerikanong piloto matapos bumagsak ang sinasakyan nitong eroplano.
Nagsimula ang armadong tunggalian sa pagitan ng Tehran at Washington noong Pebrero 28 matapos magsagawa ng opensiba ang Estados Unidos at Israel laban sa Iran, ayon sa mga ulat.











