--Ads--

Arestado ngayong Martes ng umaga si dating pulis Lt. Col. Rafael Dumlao, na itinuturing na utak sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-joo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Dakong alas-5 ng umaga noong Hunyo 9 nang mahuli si Dumlao ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) NCR sa isang bahay sa Pasong Tamo, Quezon City.

Ayon sa DILG, natunton ang dating pulis matapos ang ilang linggong surveillance, at isinagawa ang operasyon kung saan sapilitang pinasok ng mga awtoridad ang kanyang pinagtataguan bago siya inaresto habang natutulog.

Nahaharap si Dumlao sa mga kasong kidnapping with homicide, kidnapping at serious illegal detention, at carnapping. Matatandaang nag-alok pa ng P1.09 milyong pabuya ang DILG para sa ikadarakip niya.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, posibleng matagal na siyang nagtatago sa naturang bahay na napapalibutan ng matataas na bakod at mga puno. Nakumpiska rin sa kanya ang isang 9mm na baril, cellphone, at laptop na dadaan sa forensic examination.

Si Jee Ick-joo ay dinukot noong Oktubre 2016 sa Angeles City, Pampanga at pinatay umano sa loob ng Camp Crame. Ang kanyang mga labi ay sinunog at ang abo ay itinapon sa banyo.

Noong 2023, naunang napawalang-sala si Dumlao, ngunit binaligtad ito ng Court of Appeals noong 2024 at kinilala siyang may pananagutan sa krimen.

Inabisuhan na rin ang South Korean government at pamilya ng biktima tungkol sa kanyang pagkakaaresto.