--Ads--

Inanunsyo ng NCIP ang mga kinakailangang dokumento at pamantayan para sa mga nagnanais na maging grantees ng kanilang scholarship sa papasok na semestre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Shehemia Pumihic, Education Focal Person ng District 3, sinabi niyang sa kasalukuyan ay mayroong 114 na scholars ang lungsod at may natitirang 39 na slots na bukas para sa mga susunod na kwalipikadong aplikante.

Nilinaw naman nitong hindi pa ito ngayong semestre kundi sa susunod matapos naman grumadweyt ang mga naunang scholars. Aniya ang maiiwan nilang slots ang pupunan ng panibagong mga aplikante.

Ayon kay Pumihic, upang maging kwalipikado, kailangang magpakita ng Certificate of Confirmation (COC) na makukuha lamang sa tanggapan ng NCIP. Ang dokumentong ito ang magsisilbing katibayan na ang mag-aaral ay opisyal na kabilang sa mga kinikilalang Indigenous Peoples (IP) group sa lalawigan tulad ng tribong Gaddang, Yogad, Ibanag, o maging mga migrant IPs.

--Ads--

Nagpaalala naman ang NCIP focal person ukol sa income requirement ng magulang ng mga aplikante. Kwalipikado lamang ang mga mag-aaral na ang mga magulang ay kumikita ng mas mababa sa ₱20,000 kada buwan. Para naman sa mga solo parent, dapat ay mas mababa sa ₱35,000 kada buwan ang kinikita.

Bukod dito, kailangang manatili ang mataas na marka ng mga mag-aaral. Mananatili sa 80% hanggang 85% ang maintaining General Weighted Average (GWA) upang mapanatili ang pagiging grantee at tuloy-tuloy na matanggap ang tulong-pinansyal sa EAPP o Merit-Based Scholarship.

Kabilang din sa mga kinakailangang dokumento ang Duly Accomplished Application Form, PSA Birth Certificate, School Report Card, Good Moral Certificate, at Tax Exemption Certificate.

Muling ipinaalala ng NCIP na awtomatikong madidiskwalipika ang sinumang aplikante na kasalukuyan nang nakatatanggap o grantee ng iba pang mga major scholarship program sa lalawigan.

Para sa mga interesadong mag-apply at magpasa ng mga dokumento, bisitahin lamang ang pinakamalapit na NCIP Office sa inyong lugar.