--Ads--

Arestado ang apat na indibidwal sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya laban sa ilegal na droga sa Santiago City, kung saan nasamsam ang hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na ₱26,122 batay sa Standard Drug Price (SDP).

‎Unang nadakip ng pinagsanib na operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Police Station 1 (PS1) ng Santiago City Police Office (SCPO) ang isang Street-Level Individual (SLI) sa isinagawang buy-bust operation sa Valentine Street, Purok 2, Brgy. Buenavista, Santiago City.

‎Kinilala ang suspek na si alyas “Rel,” 30 taong gulang, walang asawa at residente ng Purok 4, Brgy. San Antonio Minit, Echague, Isabela.

‎Nakuha mula sa kanya ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 2.17 gramo at SDP na ₱13,996.00.

--Ads--

‎Samantala, nadakip naman ang tatlong indibidwal sa isa pang buy-bust operation sa Garzota Street, Purok 6, Brgy. Buenavista, Santiago City, na pinangunahan ng PS1-SCPO katuwang ang City Intelligence Unit (CIU-SCPO).

‎Kabilang sa mga naaresto sina alyas “Atoy,” 40; alyas “Nard,” 47; at alyas “Jen,” 31. Nakumpiska mula sa kanila ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 1.88 gramo at may SDP na ₱12,126.00.

‎Kabuuang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may pinagsamang timbang na 4.05 gramo at tinatayang halaga na ₱26,122.00 ang nasamsam sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

‎Narekober din ng mga awtoridad ang mga buy-bust money, ilang cellular phone, at mga sasakyang iniuugnay sa mga suspek.

‎Ang mga nakumpiskang ebidensya ay minarkahan, isinailalim sa imbentaryo, at kinuhanan ng litrato sa lugar ng operasyon sa presensya ng kinatawan ng National Prosecution Service (NPS) at mga opisyal ng barangay.

‎Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.