Nasamsam ng mga operatiba ng Cauayan City Component Police Station ang 455 reams ng iba’t ibang uri ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱295,750 sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Rogus, Cauayan City, Isabela.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-12:40 ng tanghali nitong Setyembre 12, 2026, sa isang tindahan sa Purok 1 ng nasabing barangay.
Arestado sa operasyon ang 30-anyos na lalaki, may asawa at operator ng tindahan, na kinilala sa alyas na “Jimmy,” residente ng Barangay De Vera, Cauayan City.
Sa buy-bust operation, nakabili ang mga operatiba ng isang ream ng Bon International Nise Red cigarettes sa halagang ₱1,000 gamit ang ₱500 tunay na pera at ₱500 boodle money.
Habang isinasagawa ang transaksyon, nakita umano sa plain view ng mga pulis ang malaking bilang ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na walang maipakitang wastong tax stamps o kaukulang dokumento bilang patunay ng pagbabayad ng duties at excise taxes.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 71 reams ng Bon International Nise Red, 176 reams ng Black Hawk Black Menthol American Blend, 97 reams ng Marshal Green Menthol 100’s, 43 reams ng Bravo Finest American Tobacco, 23 reams ng Red Nise Baisha, 15 reams ng Blue Nise Baisha, 20 reams ng RGD Menthol 100’s, limang reams ng Modern 100 Black Menthol at limang reams ng Goldenleaf Filter Cigarettes.
Sa kabuuan, 455 reams ng sigarilyo ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng ₱295,750, batay sa halagang ₱650 kada ream.
Isinagawa sa lugar ng operasyon ang pagmamarka, imbentaryo at pagkuha ng larawan sa mga nakumpiskang sigarilyo sa presensya ng suspek at isang inimbitahang saksi na barangay kagawad ng Barangay Rogus.
Samantala, dadalhin ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Bureau of Internal Revenue Region 2 para sa pagsusuri sa pagiging tunay ng mga ito at pagtatasa ng kaukulang duties, excise taxes at iba pang posibleng pananagutan.
Inihahanda na rin ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng Section 263 ng National Internal Revenue Code of 1997, na binago ng Republic Act No. 8424, at iba pang naaangkop na batas.
Dinala naman ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Cauayan City Component Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











