Hindi bababa sa 41 katao ang nasawi habang 49 ang nailigtas matapos tumaob ang isang bangka sa Lake Tanganyika sa Democratic Republic of the Congo o DR Congo.
Ayon kay Tanganyika provincial transport minister Norris Mulongoyi, nagpapatuloy ang search and rescue operation para hanapin ang iba pang pasaherong sakay ng bangka.
Tinatayang nasa 100 katao, kabilang ang mga kargamento, ang sakay ng bangka nang tumaob ito malapit sa nayon ng Mapera. Mula ito sa Kigoma port sa Tanzania at patungo sana sa Kalemie sa DR Congo.
Ayon sa isang survivor, nagising ang mga pasahero bandang ala-una ng madaling araw at napansin nilang nakatagilid na ang bangka bago ito tuluyang lumubog.
Hindi pa malinaw ang sanhi ng insidente. Samantala, ikalawang insidente na ito sa loob lamang ng isang buwan sa rutang Kigoma-Kalemie.








