Nasawi ang isang 30-anyos na government employee matapos masangkot sa isang vehicular accident sa Doña Fronie Avenue, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela, dakong alas-dos ng madaling araw ngayong Oktubre 11.
Minamaneho ng biktima, na residente ng District 1, Cauayan City, ang isang Mitsubishi Montero Sport.
Patungo umano sa national highway ang SUV nang biglang mawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver.
Una itong bumangga sa isang poste ng ilaw bago tumama sa isang nakaparadang pulang Toyota Corolla at silver Mitsubishi XLT jeep sa tapat ng Semana Residence.
Mula rito, bumangga pa ang SUV sa isang konkretong pader bago tuluyang tumaob.
Nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver kaya agad siyang isinugod ng Rescue 922 sa Cauayan District Hospital para sa agarang lunas.
Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.
Samantala, nagtamo rin ng pinsala ang dalawang nakaparadang sasakyan, ngunit hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pinaghihinalaang nasa ilalim ng impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang driver nang mangyari ang aksidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.











