--Ads--

Natagpuan ang limang bungo ng tao na nakalagay sa isang kahon na nakabalot sa trash bag sa gilid ng Liana Road, Barangay Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.

Batay sa ulat ng pulisya, isang caretaker ng bakanteng lote ang nakakita sa kahina-hinalang kahon habang papunta sanang bumili ng pagkain at agad naman niya itong iniulat sa mga awtoridad.

Sa paunang imbestigasyon lumalabas na wala nang mga ngipin ang mga bungo at nakabalot pa ng packaging tape.

Isa sa mga ito ay may basag sa sentido at may nakasulat na numero.

--Ads--

Dinala na ang mga bungo sa Camp Crame para sa masusing examination kabilang ang anthropological, odontological, at DNA testing.

Sa kasalukuyan wala pang lumalapit na kamag-anak upang makipag-ugnayan o magsabing maaaring labi ito ng nawawalang kaanak.

Kasabay ng insidente isinagawa rin ang search and retrieval operations sa Taal Lake para sa mga nawawalang sabungero.

Bagamat wala pang direktang koneksyon sinabi ng San Jose del Monte Police na isasailalim ang mga natagpuang bungo sa DNA matching upang alamin kung may kaugnayan ito sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga labi at kung ginamit ba ito sa ilegal na aktibidad tulad ng medisina o iba pang kaduda-dudang layunin.