Umabot sa limang mahistrado ng Korte Suprema ang nagpahayag ng dissenting opinion sa naging desisyon ng Supreme Court En Banc na ibasura ang hiling ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kanya batay sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Noong Mayo 20, bumoto ang SC En Banc ng 9-5-1 sa isinagawang special session upang tanggihan ang kahilingan ni Dela Rosa para sa interim relief.
Kabilang sa limang mahistradong kumontra sa desisyon sina Associate Justices Ramon Paul Hernando, Amy Lazaro-Javier, Henri Jean Paul Inting, Ricardo Rosario, at Antonio Kho Jr.
Sa kanilang magkakahiwalay na dissenting opinions, ipinaliwanag ng mga mahistrado kung bakit pabor sila sa pagbibigay ng TRO at SQAO kay Dela Rosa.
Ayon kay Associate Justice Ramon Paul Hernando, walang umiiral na domestic judicial process na nagpapahintulot sa pag-aresto o pagsuko kay Dela Rosa sa ICC. Giit niyang wala umanong hurisdiksyon ang ICC sa kaso ng senador dahil nagsimula lamang ang imbestigasyon matapos kumalas ang Pilipinas sa ICC.
Sinabi rin ni Hernando na “zero guarantee” umano na hindi agad dadalhin si Dela Rosa sa The Hague kapag siya ay naaresto. Aniya, ang pinsalang maidudulot nito ay hindi na maaayos ng anumang susunod na desisyon ng korte.
Samantala, sinabi ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier na ang kahilingan para sa temporary injunctive relief ay hindi dapat nakabatay sa personalidad o politika kundi sa masusing pagsusuri.
Aniya, malinaw at hindi na maaayos ang posibleng pinsalang maaaring maranasan ni Dela Rosa kapag hindi pinagbigyan ang kanyang petisyon.
Para naman kay Associate Justice Henri Jean Paul Inting, kinakailangan ang status quo ante order upang hindi mawalan ng saysay ang kaso kapag tuluyang naipatupad ang ICC arrest warrant.
Binigyang-diin din ni Associate Justice Ricardo Rosario na ang pag-aresto sa isang halal na opisyal ng Pilipinas batay sa warrant ng ICC ay may “questionable constitutional, statutory, and jurisdictional grounds.”
Ayon sa kanya, kung hindi maglalabas ng TRO ang Kataas-Taasang Hukuman, maaaring malagay sa panganib ang soberanya ng bansa at kapangyarihan ng hudikatura nito.
Sa kanyang 23-pahinang dissenting opinion, sinabi naman ni Associate Justice Antonio Kho Jr. na natugunan ni Dela Rosa ang lahat ng rekisito para sa paglalabas ng TRO at SQAO.
Aniya, kapag naaresto at naisuko sa ICC ang senador, mahihirapan na itong makabalik sa bansa kahit pa magdesisyon pabor sa kanya ang Korte Suprema.
Sa kabila nito, nananatiling epektibo ang desisyon ng SC En Banc na huwag pagbigyan ang kahilingan ni Dela Rosa para sa pansamantalang proteksyon laban sa posibleng pag-aresto ng ICC.











