Napilitang kanselahin ng Swiss International Air Lines ang paglipad ng isang eroplano mula Delhi patungong Zurich madaling araw ng Linggo matapos makaranas ng aberya sa makina.
Ayon sa airline, limang katao ang nasugatan sa insidente—apat na pasahero at isang crew member.
Batay sa paunang ulat, nagliyab ang isa sa mga makina ng eroplano habang bumibilis ito sa runway, kaya agad na itinigil ang takeoff at isinagawa ang emergency evacuation.
Sakay ng Airbus A330 ang 228 pasahero, kabilang ang apat na sanggol, at 13 crew members.
Dahil sa insidente, pansamantalang nagdeklara ng emergency ang Indira Gandhi International Airport at isinara ang runway, na kalaunan ay naibalik din sa normal ang operasyon.
Dinala na sa ospital ang mga sugatang pasahero, habang nagtamo naman ng sprained ankle ang crew member. Samantala, nagsagawa na ng imbestigasyon ang airline sa pamamagitan ng isang task force upang matukoy ang sanhi ng aberya sa makina.









