--Ads--

Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang orientation at enrollment para sa scholarship program sa Driving at Welding na layuning mapahusay ang kasanayan ng mga mamamayan at mabigyan sila ng mas maraming oportunidad sa trabaho.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jefferson Sarmiento, Senior Cooperative Development Specialist, sinabi nitong bahagi ang programa ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na makalikha ng mas maraming skilled workers at matulungan ang mga kabilang sa priority sectors na magkaroon ng teknikal na kaalaman para sa pangmatagalang kabuhayan.

Ayon kay Sarmiento, tig-25 scholarship slots lamang ang inilaan para sa bawat kurso kaya umabot sa 50 benepisyaryo ang napili para sa kasalukuyang batch.

Bukod sa libreng pagsasanay, makatatanggap din ng starter toolkit ang mga magtatapos sa Driving course upang magamit nila ang kanilang natutunang kasanayan sa paghahanapbuhay.

--Ads--

Kabilang sa mga kinakailangang isumite ng mga aplikante ang photocopy ng birth certificate, diploma o transcript of records (TOR), at valid ID.

Ipinaliwanag din ni Sarmiento na ang City Cooperative Office ang nangangasiwa sa pagtanggap at pag-screen ng mga aplikante sa pamamagitan ng Community Training Employment Coordinator upang matiyak na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ang makikinabang sa programa.

Samantala, sinabi ni Ginoong Dominic Bassig, welding trainer ng TESDA Technology Institution, na patuloy silang nagbibigay ng dekalidad na skills training upang matugunan ang pangangailangan ng industriya at mapalawak ang oportunidad sa trabaho ng mga mamamayan.

Hinimok naman niya ang mga kwalipikadong residente na samantalahin ang libreng scholarship program upang madagdagan ang kanilang kakayahan at maging mas handa sa mga oportunidad sa labor market.