Natagpuang wala nang buhay ang isang 56-anyos na lalaki sa bahagi ng ilog sa Barangay Labinab, Cauayan City, Isabela ngayong araw, Oktubre 30, matapos umanong magpaalam na mangisda kahapon ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vergel Marcos, kaanak ng biktima, sinabi niyang hindi na nakita ang lalaki matapos itong sundan ng kaniyang anak upang kunin ang tricycle na sinakyan nito.
Dahil dito, hinanap ng kanilang pamilya ang biktima hanggang alas-dose ng madaling araw, ngunit hindi ito natagpuan.
Bandang alas-6 ng umaga kanina, ipinagpatuloy nila ang paghahanap at makalipas lamang ang 30 minuto ay natagpuan ang lalaki na nakadapa sa bahagi ng ilog.
Ayon kay Marcos, mahilig mangisda ang biktima dahil marami umano itong nahuhuling isda, kahit ipinagbabawal na sa kaniya ang pangingisda dahil sa sakit nito.
Sa ngayon, dinala na ng kanyang pamilya ang bangkay sa punerarya para sa pagsasaayus nito.







