--Ads--

Nakaligtas ang anim na katao matapos mawalan ng kontrol ang sinasakyan nilang sasakyan at bumaliktad sa kahabaan ng bypass road sa bayan ng Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, sinabi nito na galing sa bayan ng Angadanan ang sasakyan at patungo sana sa Tumauini, Isabela nang maganap ang aksidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, mabilis umano ang takbo ng sasakyan nang dumaan ito sa isang palikong bahagi ng bypass road dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at bumangga sa isang concrete barrier.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala ang sasakyan at tuluyang bumaliktad sa bahagi ng isang palayan na katabi ng kalsada.

Sa kabila ng insidente, walang nasugatan sa anim na sakay ng sasakyan na kinabibilangan ng apat na bata, isang 67-anyos na senior citizen at isang 34-anyos na babae na siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay at magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na maghinay-hinay sa pagpapatakbo ng sasakyan lalo na sa mga ganitong bahagi ng kalsada upang maiwasan ang kaparehong insidente.