Umaabot lamang sa tinatayang 60 porsyento ng mga sakahan ang posibleng mapatubigan sa pagsisimula ng wet cropping season sa Mayo 15, 2026, dahil sa inaasahang mababang lebel ng tubig sa Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, Flood Forecasting and Instrumentation Head ng NIA-MARIIS, sinabi nito na bagamat kasalukuyang nagbi-build up ang reservoir, nananatiling mababa ang inaasahang elevation nito bago ang itinakdang pagsisimula ng taniman.
Ayon kay Engr. Viernes, base sa forecast ng PAGASA, mararanasan ang mahinang El Niño hanggang Agosto at posibleng lumakas pa ito sa pagtatapos ng taon, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig para sa irigasyon.
Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 180.57 meters above sea level ang water level ng Magat Dam, kung saan mas mataas pa ang inflow kumpara sa outflow. Gayunman, ipinaliwanag niya na hindi pa ito sapat upang masuportahan agad ang buong 95,000 ektaryang saklaw ng serbisyo ng MARIIS.
Dahil dito, posibleng hindi sabay-sabay na mapatubigan ang lahat ng sakahan at uunahin muna ang nasa 50 hanggang 60 porsyento ng kabuuang service area sa unang bugso ng patubig.
Gayunpaman, tiniyak ni Engr. Viernes na target pa rin ng ahensya na maabot ang 100 porsyentong patubig sa kalaunan sa pamamagitan ng paunti-unting pagpapalawak ng irigasyon kasabay ng inaasahang pag-ulan sa watershed.
Ipapatupad din muli ang sistemang alternate wet and drying upang mas mapalawak ang saklaw ng patubig kahit limitado ang suplay ng tubig.
Sa ngayon, patuloy rin ang isinasagawang maintenance activities sa mga irrigation canal upang matiyak na magiging handa ang sistema sa oras na magsimula ang wet cropping season.
Nanawagan naman ang NIA sa mga magsasaka na makipagtulungan at sumunod sa itinakdang iskedyul ng patubig upang masiguro ang maayos na distribusyon ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño.











