--Ads--

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa 61-anyos na si Guzman Abluyan matapos umanong mahulog sa bangin at posibleng naanod sa ilog sa Sitio Paga, Barangay Tiblac, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Ayon sa Ambaguio PNP, nagtungo si Abluyan sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid bandang alas-8 hanggang alas-9 ng gabi nitong Huwebes, Setyembre 10, bago nagtungo sa bahay ng isa pa niyang kapatid.

Pinayuhan umano siya ng kanyang ate na doon na lamang matulog dahil gabi na at nakainom pa siya, ngunit nagpatuloy pa rin siyang umalis bandang alas-9:30 ng gabi patungong Sitio Wang-wang, Barangay Poblacion.

Gayunman, hindi na umano nakarating si Abluyan sa bahay ng kanyang kapatid.

--Ads--

Kinabukasan, Setyembre 11, napansin ng tatlong residente ang sumbrero sa bahagi ng bangin na katabi ng ilog.

Ayon kay PLt. Allan Viniegas, Deputy Chief of Police ng Ambaguio PNP, agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng PNP at MDRRMO at nakakita rin ng mga footprint malapit sa lugar kung saan natagpuan ang sumbrero.

Mataas din umano ang lebel ng tubig sa ilog kaya posibleng naanod si Abluyan kung nahulog man siya rito.

Huling nakitang nakasuot ang biktima ng blue na T-shirt, itim na pantalon at itim na sapatos.

Patuloy ang search and rescue operation ng MDRRMO, BFP, PNP at Philippine Army para mahanap si Abluyan.

Patungo sa bahagi ng Bambang at Bayombong ang ilog at umaagos pa-hilagang direksiyon ng lalawigan, dahilan upang palawakin ang paghahanap sa mga posibleng dinaanan ng agos.