Pormal nang binuksan ang 66th Palarong Pambansa ngayong Linggo, Mayo 24, sa Agusan del Sur, kung saan nagtipon ang mahigit 10,000 student-athletes mula sa 18 rehiyon sa bansa, kabilang ang National Academy of Sports at Philippine Schools Overseas.
Inaasahang magbibigay ng unang mga medalya ang athletics na ginaganap sa Datu Lipus Makapandong Gov. D.O. Plaza Sports Complex. Kabilang sa mga unang event na lalabanan ang secondary girls’ 3,000-meter run at long jump, gayundin ang javelin throw at shot put.
Samantala, kabilang sa mga bagong medal sports ngayong taon ang weightlifting, habang idinagdag din ang football para sa secondary girls at futsal para sa elementary girls.
Itinanghal naman bilang demonstration sports ang karate, kickboxing, at soft tennis, habang ipapakita bilang exhibition events ang muay thai at ilang Para Games events gaya ng sitting volleyball at table tennis.









