--Ads--

Ipinamalas ng Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Secondary Boys Basketball Team ang kanilang husay matapos talunin ang kinatawan ng MIMAROPA Region sa first game ng basketball sa Palarong Pambansa 2026 sa Agusan del Sur nitong Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach Michael Angelo Alindada, sinabi nitong bagama’t sa Linggo pa (May 24) pormal na magbubukas ang Palarong Pambansa, naidaos na ang unang laro sa basketball kung saan nanaig ang CAVRAA sa iskor na 72-58.

Matapos ang kanilang panalo sa unang laban, inaasahan pa ng koponan ang tatlo pang mas malalakas na kalaban mula sa iba’t ibang rehiyon.

Ayon kay Alindada, maayos ang naging paghahanda ng kanilang koponan. Pagkatapos ng CAVRAA Meet ay hindi na sila tumigil sa pag-ensayo upang mas mapahusay ang kondisyon at performance ng mga atleta sa kompetisyon.

--Ads--

Lahat ng miyembro ng basketball team ng CAVRAA ay mula sa lalawigan ng Isabela at pawang first time na sumabak sa national competition.

Dahil dito, inamin nilang nakaramdam sila ng pressure sa simula ng laro, lalo na’t nakalamang pa ng 10 puntos ang MIMAROPA sa unang bahagi. Gayunman, dahil sa determinasyong manalo, unti-unti nilang nabawi ang lamang hanggang tuluyang makuha ang panalo.

Ayon naman sa team captain na si Alvin Baltan, sa kabila ng mga pagdududa ng ilan, patuloy nilang pinatunayan ang kanilang kakayahan sa layuning makapag-uwi ng karangalan para sa Lambak ng Cagayan.

Nagpapasalamat din ang koponan sa lahat ng mga tumulong at sumusuporta sa kanila upang makapaglaro at maipamalas ang kanilang husay sa Palarong Pambansa 2026.