Patay ang pitong manggagawa habang 13 iba pa ang nasugatan matapos ang aksidente sa isang tunnel ng itinatayong hydropower project sa estado ng Uttarakhand sa hilagang India.
Ayon sa mga lokal na opisyal, biglaang pumasok ang tubig at mga debris sa loob ng tunnel noong Huwebes ng gabi kasunod ng pagguho ng lupa, dahilan upang ma-trap ang mga manggagawa sa loob ng konstruksyon site.
Sinabi ni Uttarakhand Chief Minister Pushkar Singh Dhami na nagpapatuloy ang isang masinsinang rescue operation upang mailigtas ang mga manggagawang nananatiling nakulong sa tunnel.
Batay sa State Disaster Management Authority ng India, tatlo pang manggagawa ang nawawala.
Binigyang-diin ni Dhami na pangunahing prayoridad ng mga awtoridad ang ligtas na paglikas sa lahat ng apektadong manggagawa.
Sa mga video na inilabas ng lokal na pamahalaan, makikitang gumagamit ang mga rescue worker ng mga pansamantalang balsa at head-mounted torches upang marating ang bahaging binaha ng tunnel.
Ayon naman kay National Disaster Response Force Commander Amrit Lal Meena, mataas na ang lebel ng tubig sa loob ng tunnel nang simulan nila ang operasyon at patuloy pa itong tumataas dahil sa pagpasok ng tubig mula sa mga gilid ng lagusan.
Matinding ulan dulot ng habagat o monsoon ang nararanasan sa Uttarakhand nitong mga nakalipas na araw na pinaniniwalaang nag-ambag sa insidente.
Karaniwan na ang mga aksidente sa malalaking construction site sa India, ngunit ayon sa mga environmental expert, mas dumarami ang mga ganitong sakuna dahil sa lumalawak na development projects sa maselang kabundukan ng Himalayas.
Noong nakaraang buwan, dalawampung manggagawa rin ang nasawi sa isa pang tunnel na bahagi ng state-run hydroelectric project sa estado ng Sikkim sa hilagang-silangang bahagi ng India.











