Nasawi ang 7 katao matapos gumuho ang isang walong talampakang pader sa loob ng isang hospital complex sa Bengaluru, India, ayon sa isang opisyal ng pamahalaan nitong Miyerkules.
Ayon kay Deputy Chief Minister D. K. Shivakumar, kabilang sa mga nasawi ang isang bata, apat na street vendor, at dalawa pang indibidwal mula sa estado ng Kerala. May isa pang biktima na hindi pa nakikilala.
Samantala, tatlo pang katao ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa ospital. Isang babaeng nasaktan ang agad na binigyan ng paunang lunas bago isinailalim sa karagdagang pagsusuri, ayon sa mga saksi.
Iniuugnay ang insidente sa biglaang pagbabago ng panahon sa Bengaluru, kung saan nakaranas ng malakas na ulan, pabugso-bugsong hangin, at pag-ulan ng yelo ang ilang bahagi ng lungsod matapos ang ilang linggong matinding init at mataas na humidity.
Bagama’t nagdulot ng panandaliang ginhawa mula sa init ang pag-ulan, nagresulta naman ito sa iba’t ibang abala tulad ng pagbaha sa ilang lugar at pagbagsak ng mga puno.











