Hindi bababa sa pitong katao ang nasawi matapos tumaob at magsimulang lumubog ang isang pampasaherong ferry na may sakay na 267 katao sa karagatan malapit sa Northern Cyprus nitong Linggo.
Ayon kay Northern Cyprus Prime Minister Unal Ustel, 237 katao ang nailigtas habang 23 pa ang nawawala matapos tumaob ang catamaran ilang kilometro mula sa baybayin.
Umalis ang ferry mula sa daungan ng Kyrenia o Girne bandang alas-12:30 ng tanghali, lokal na oras, patungo sana sa Tasucu Port sa Mersin, southern Türkiye.
Ayon sa mga ulat, nagsimulang pasukin ng tubig ang sasakyang-dagat ilang sandali matapos itong umalis sa daungan, dahilan upang magpadala ng distress call ang kapitan.
Agad namang rumesponde ang Northern Cyprus coastguard, kabilang ang mga passenger ship, limang pilotage unit at dalawang helicopter. Nagpadala rin ang Turkish naval forces ng anim na sasakyang pandagat para tumulong sa search and rescue operation.
Ipinakita sa mga kuhang video ang ferry na nakataob sa dagat habang ilang pasahero na nakasuot ng life vest ang pilit kumakapit sa sasakyang pandagat
Samantala, sinabi ni Northern Cyprus Transport Minister Erhan Arikli na patuloy ang operasyon upang mailigtas ang mga posibleng nasugatan at dalhin ang mga ito sa mga ospital sa Girne.
Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente, habang sinabi ng mga opisyal na wala pang malinaw na dahilan kung bakit nagsimulang pasukin ng tubig ang ferry.









