CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki sa banggaan kagabi ng motorsiklo at kotse sa daan na sakop ng sitio Manalpaac, San Pablo, Cauayan City.
Ang namatay ay si Bong Rasa, nasa tamang edad, tsuper ng motorsiklo at residente ng San Luis, Cauayan City habang ang nakabanggaan na kotse ay minaneho ni Jordan Manuel, nasa tamang edad at residente ng Baculod, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, binabagtas ng motorsiklo ang daan patungo sa Poblacion habang patungo ang kotse sa Villa Concepcion, Cauayan City.
Nang makarating sila sa nasabing lugar ay naganap ang banggaan ng dalawang sasakyan.
Nagtamo ng mga malalang sugat at bali sa kanang kamay at paa si Rasa na nakausap pa nang dinala sa osiptal ng mga miyembro ng Rescue 922 subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa maraming dugo na nawala sa kanya.