CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kaso ang dalawang kabataan na tumangay sa kotse ng isang guro sa Ilagan City, Isabela.
Ang mga suspek ay isang 15 anyos na out-of-school youth at 18 anyos na estudiyante, kapwa residente ng San Mateo, Quirino, Isabela.
Ang may-ari ng Honda City na may plate number XMR 854 na kinarnap ng mga suspek ay si Sherwill Balisi, 36 anyos, guro at residente ng San Vicente, Ilagan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpt Rustom Ortiguero, hepe ng Quirino Police Station na naaresto nila ang dalawang suspek habang sakay ng kotse sa Santa Lucia, Quirino, Isabela.
Magkakilala ang mga suspek at biktima kaya nakapasok ang dalawa sa bahay at kinuha ang susi ng sasakyan sa kanyang pinagsabitan.
Inamin umano ng mga kabataang suspek na napagtripan lamang nilang nakawin ang kotse at sinakyan pauwi sa Quirino, Isabela.