--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumuo na ng Task Force ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para mahadlangan ang pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na sa bisa ng Executive Order no. 25-8 ay nilikha ni Governor Rodito Albano ang task force na magmomonitor sa pagpasok ng mga livestock sa Isabela.

Ito ay upang mahadlangan ang African Swine Fever at iba pang mga sakit na makakaapekto sa industriya ng livestock sa lalawigan.

Ang chairman ng task force ay si Governor Albano habang ang vice chairman ay si Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III

--Ads--

Ang coordinator ay si Atty. Constante Foronda Jr. ng Public Safety Office habang ang commander ay si Assistant Public Safety Officer Jimmy Rivera Sr. at ang Deputy Task Force Commander ay si Dr. Angelo Naui, ang Provincial Veterinarian.

Ang mga miyembro ay sina Bibining Joan Baldo ng Information Office ng Isabela, si PCol Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), Provincial General Services Officer (GSO) Rodigo Sawit, Provincial Budget Officer Elsa Pastrana at iba pang department head na maaring hirangin ng chairman bilang mga myembro.

Ang pangunahing tungkulin ng task force ay ang pangangasiwa ng mga checkpoint sa southern entry point pangunahin na sa bayan ng Cordon habang sa hilagang bahagi ng Isabela ay sa bayan ng San Pablo.

Ang mga magbabantay 24/7 sa dalawang checkpoin ay mga pulis, mga miyembro ng Public Safety Office, PIO, Provincial Agriculture Office at Provincial Veterinary Office.

Ayon pa kay Ginoong Santos, nagkaroon na ng pulong ang task force at tinalakay ang mga implementation plan nito.

Ang action plan ng Task Force African Swine Fever ay tatawaging Task Force Oink Oink.

Lahat aniya ng mga closed van na papasok sa Isabela ay paparahin sa checkpoint at susuriin ang kanilang mga papeles.

Kapag hindi nakapagpakita ng kaukulang papeles ang isang sasakyan na may dalang mga hayop ay hindi papapasukin sa lalawigan.

Mananatili ang binuong task force hangga’t may banta ang African Swine Fever sa bansa.