CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipapatupad ng LTFRB Region 2 ang point to point na pagkuha at pagbaba ng mga pasahero sa muling pagbiyahe ng mga Public Utility Vehicles sa rehiyon.
Sa isinagawang online press conference kahapon ng LTFRB Region 2, sinabi ni Regional Director Edward Cabase na kung ano lamang ang nakalagay sa special permit na kanilang ibibigay ay doon lamang puwedeng magsakay at magbaba ang mga pampublikong sasakyan na mabibigyan ng special permit.
Aniya, bago sasakay sa mga terminal ay kukunin ang contact number, address at identification ng bawat pasahero para kung magkaroon man ng problema ay madali lamang ang isasagawang contact tracing.
Ayon kay Regional Director Cabase, unang araw pa lamang ng Mayo ay puwede na silang magbigay ng special permit subalit kailangan muna nilang tignang mabuti ang mga lugar na pwedeng lagyan ng pampublikong sasakyan kaya nakikipag-ugnayan muna sila sa mga mayor ng bawat bayan dahil sila ang nakakaalam sa kanilang lugar.
Gayunman, hindi aniya lahat ng Public Utility Vehicles, modernized vehicles tulad ng jeepney, Utility Vehicles, Taxi, at PUJ ay mabibigyan ng permit dahil kung ano lamang ang kailangan sa isang lugar ay iyon lamang ang ibibigay.
Nagbabala rin siya na ang mga mabibigyan lamang ng special permit ang puwedeng magbiyahe.
Dagdag pa nito na hindi nila papayagan ang mga senior citizen na driver.
Magsasagawa rin ang mga sasakyan ng disinfection kada dalawang oras.
Kapag tumaas naman sa 38 degree celcius ang temperatura ng isang pasahero ay hindi na papayagang pumasok sa sasakyan.
Sinabi pa ni Regional Director Cabase na nagtaas sila ng pamasahe subalit minimal lamang para hindi makumpromiso ang mga pasahero at operators.











