
CAUAYAN CITY – Doble ang hamon na dinanas ni Lt. Jefferson Toribio Marcelo para makapagtapos bilang number 1 sa International surface Warfare Officers School sa New Port Road Island sa Estados Unidos dahil sa epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa nasabing bansa.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Jefferson Toribio Marcelo sinabi niya na inabot siya ng apat na buwan bago niya na tapos ang kaniyang kurso sa International surface Warfare Officers School sa New Port Road Island at naging daan ito upang mapaghandaan niya ang kaniyang susunod na assignment bilang naval officer.
Kabuuang siyam na naval officer aniya ang naimbitahan na kumuha ng special course sa International surface Warfare Officers School na mula sa iba’t ibang bansa na kinabibilangan ng allied nations ng Estados unidos.
Una rito ay nagsilbi si Lt. Marcelo bilang aide ni Retired Flag Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad bago nabigyan ng pagkakataon na kumuha ng special course para makapag-level up at makapaghanda sa kaniyang susunod na assignment.
Bagamat magkakaibang lahi at lengguwahe ay natutuwa si Lt. Marcelo dahil hindi ito naging hadlang upang makapulot sila ng mga makabagong ideya mula sa iba’t ibang bansang kalahok.
Sa pamamagitan ng ilang friendly competition ay napatunayan niya na kahit hindi ganoon kamoderno ang mga kagamitang pandigma ng Pilipinas ay labis namang maaasahan ang kakayahan ng mga Pinoy.
Labis ang kanyang kasiyahan dahil na rin sa pagbuhos ng pagbati ng kaniyang mga kamag-anak at kabarangay sa La Suerte, Angadanan, Isabela.
Inaasahan ni Lt. Marcelo na maitatalaga siya sa isang training institution ng Philippine Navy upang maibahagi niya ang kaniyang natutunan sa International surface Warfare Officers School.










