
CAUAYAN CITY – Sisiyasatin ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela kung nagsasagawa ng live shows sa operasyon ng ILINK BPO Center na hinihinalang cybersex facility na matatagpuan sa Corner Miranda Perez Street sa Calao West, Santiago City.
Napag alaman ng mga otoridad na may mga empleyado sa naturang call center ang nagtatrabaho ng sapilitan at sa pamamagitan ng Chat room ay nakikipagtransaksyon sa kanila ang mga foreigners na customer.
Sa halagang dalawang libong piso ay pinapadalhan ng mga empleyado ang mga ito ng hubad na larawan o video.
Ang Manager ng nasabing Call Center ay si Reynaldo Ilarde, 40-anyos, may asawa, residente ng Doña Paulina, San Isidro, Isabela; kasama ang itinago sa pangalang Mocha, 42-anyos, ilink HR Manager at residente ng Calaocan, Santiago City at ang nagmamay-ari ng kompanya na si John Leonard Deniegallena.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni NBI Agent Brian Macutay, Team Leader ng NBI Isabela na kanilang sisiyasatin kung nagsasagawa ng live shows ang mga manggagawa ng nasabing call center.

Sinusuri na ang mga file na nasa loob ng 27 computer units at ilang cellphones na kanilang nakumpiska.
Nasa 12 kalalakihan at 5 kababaihan ang narescue ng mga awtoridad at batay sa dokumentong naipakita ng mga namumuno ay may 34 na empleyado ang nasabing BPO Center na may tatlong shift.
May hinala naman ang NBI Isabela na mahigit sa 34 ang bilang ng mga empleyado ng nasabing Call Center na nag-ooperate umano ng iligal.
Kasong paglabag sa Anti Human trafficking Law, Cyber Crime Prevention Act of 2012 at Violation sa labor Code ang kakaharapin ng mga pinaghihinalaan.
Samantala, inihayag ng pamunuan ng NBI Isabela na tatlong taon na nilang minamanmanan ang ILink BPO Center.
Sa panayam ng BOMBO RADYO CAUAYAN Kay Provincial Director Timoteo Rejano ng NBI Isabela, sinabi niya na noong 2017 pa nila pinag-aaralan ang galaw ng grupo at ang dahilan ng pagkaantala ng kanilang operasyon ay ang mga HiTech na kagamitan.
Isang menor Edad anya ang lumapit sa kanilang tanggapan para isuplong ang malaswang trabahong napasukan nito.
Inakala niya umanong Call Center ang kanyang magiging trabaho subalit pagpapakita pala ng maseselang bahagi ng katawan online.
Ayon kay Provincial Director Rejano, mga banyagang mahilig sa bata ang karaniwang parokyano ng grupo at patunay na lamang ang mga nailigtas nilang Menor De Edad.
Aminado naman ang Provincial Director na nahirapan sila sa pagdakip dahil sa paggamit ng grupo ng Hitech na mga kagamitan tulad na lamang ng Databased system Room at Smart Doorknob.
Samantala, hindi na anya bago sa lunsod ang mga ganitong iligal na negosyo dahil noong Marso pa lamang ay Apat nang opisina ang kanilang minomonitor.
Paalala nito sa mga magulang na alamin ang mga aktibidad ng kanilang mga anak at huwag basta-bastang pahihintulutan kung sila ay magpapaalam na maghanap ng trabaho.










