CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Mabuwaya Foundation Incorporated na hindi nakakulong ang mga buwaya sa sanctuary at hindi rin nila pag-aari kundi tumutulong lamang sila sa Local Government Unit (LGU) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pag-aalaga sa mga ito.
Matatandaang unang nanawagan ang pamunuan ng Mabuwaya Foundation sa publiko na kung may makitang buwaya na pagala-gala ay huwag itong patayin o guluhin dahil posibleng inanod ng baha ang mga ito.
Sa minimum count ng Mabuwaya Foundation noong buwan ng Setyembre 2020 ay nasa 32 ang mga buwaya sa loob ng sanctuary ngunit noong Disyembre 2020 ay nasa 10 lamang ang kanilang nabilang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marites Balbas ng Mabuwaya Foundation, nilinaw niya na hindi nawawala ang mga buwaya dahil hindi naman nakakulong ang mga ito at maaaring naghanap lamang sila ng mas ligtas na lugar dahil sa mga nagdaang pagbaha.
Sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na report ang foundation kung may nakita nang buwaya sa baba ng bayan ng San Mariano, Isabela.
Ayon kay Ginang Balbas, ang mga adult crocodiles ay nasa siyam na kilometro ang kanilang home range o kayang puntahan sa paghahanap nito ng pagkain habang nasa anim na kilometro naman ang maliliit na buwaya.
Walong barangay sa bayan ng San Mariano ang idineklarang crocodile sanctuary na kinabibilangan ng barangay ng Dinang Creek sa Cadsalan, barangay San Jose na may holding area at sa mga barangay ng Tappa, Disulap, Buyasan, sa Dunoy Lake at sa Narra Lake.
Umaasa ang foundation na ang mga buwaya ay nasa mas ligtas na lugar tulad ng mga maliliit na sapa.











