--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang sundalo sa Gattaran, Cagayan habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Si Pvt. Raymund Mones ay nasawi sa pagkalunod sa ilog habang patungo sa kanilang misyon kasama ang kanyang grupo sa Gattaran, Cagayan noong April 19, 2023.

Si Pvt. Mones ay bunso sa limang magkakapatid at ayon sa kanyang ina na si Ginang Concepcion Mones, bata pa lamang ang kanyang anak ay pangarap na niyang maging sundalo kaya gusto niyang makapagtapos noon sa kursong BS Criminology ngunit noong pandemya ay naisipan niyang kumuha ng AFPSAT kahit Senior High School palang ang natapos nito.

Pinalad naman siya hanggang sa tuluyang naging sundalo.

--Ads--

Malaki aniyang sakripisyo ang ginawa ng kanyang anak dahil noong nagpoproseso siya ng mga dokumento sa Fort Magsaysay ay panahon ng pandemya pero hindi siya nawalan ng pag-asa.

Si Pvt. Mones, 23-anyos ay kasapi ng Special Forces na tubong Unzad, Villasis, Pangasinan at nadeploy sa Cagayan Valley para tumulong sa mas pinaigting na pagtugis sa mga natitirang armadong miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.

Ang kanyang mga labi ay iniuwi na sa kanilang tahanan sa Pangasinan.